©Novel Buddy
Infinito: Salinlahi-Chapter 32
Chapter 32 - 32
Read lat𝙚st chapters at fɾeewebnoveℓ.co๓ Only.
Natahimik si Don Hernan dahil sa sinabing iyon ni Esmeralda, tila hindi kayang i-proseso ng utak niya ang lahat ng nalaman niya. Sumasakit ang dibdib niya habang iniisip niya ang maraming taong pagkakaibigan nila ay tila naging basura lang sa kaibigan niya.
"Don Hernan, alam kong mahirap tanggapin, malalim ang naging samahan niyo dahil pareho kayong manunugis noong kabataan niyo. Pero hindi lahat ng tao ay katulad niyong mag-isip. May mga taong mabilis madaya ng kanilang kinikimkim na galit. Sa tingin ko oras na para komprontahin niyo ang kaibigan niyo kung ano ba talaga ang naging problema." Payo ni Esmeralda. Sumang-ayon naman si Ismael sa suhestiyon ng anak. Kalaunan, hinayaan muna nilang makapag-isip ang matanda. Hinayaan nila itong timbangin ang mga bagay-bagay bago sila gumawa ng kilos.
Tanghali nang bumalik sa mansyon ang presensiya ni Liyab, muli ay sa likod ng bahay sila nagkita, sa malaking puno kung saan pansamantala itong nakatira.
"Nasa isang malaking bahay na bato nga ang anak at apo ng Don, Esme. At tulad ng sinabi mo, bantay-sarado ang buong bakuran ng mga aswang. Ang nakakapagtaka lang ay paano naging magkakampi ang dating magkalaban?" Maging si Liyab ay tila naguguluhan sa mga nangyayari.
"Esme, pakiramdam ko ay mas malalim na pinaghuhugutan ang galit ng kaibigan ni Don, Hernan. Subalit, naniniwala pa rin ako na hindi dapat umabot sa pagpat*y ang lahat." Umiiling na dagdag ni Liyab.
"Kung gano'n, kailangan na itong malaman ni Hernan, karapatan niya ang malaman ito. Buhay ng anak at apo niya ang nakasalalay rito." Sambit ni Esmeralda. Nang maglaho na si Liyab sa harapan niya, saka naman siya bumaba at muling nilapitan ang matanda.
Maingat niyang inilahad sa matanda ang nalaman kay Liyab. Ganoon na lamang ang panlulumo ni Don Hernan sa narinig.
"Walang-hiya siya. Winalang-hiya niya ang napakaraming taon na pinagsamahan at pagkakaibigan namin. Winalang-hiya niya ang propesiyong inaatang sa amin. Dahil lang sa isang kasunduang hindi natupad, ginaganito niya ang pamilya ko? SIno ba siya sa akala niya para magpataw ng parusa. Sobra-sobrang parusa na ito. Ano bang naging kasalanan ko at ng mga anak ko? Ginusto lang naman ni Danilo na hanapin ang tunay niyang kaligayahan. Ano ba ang mali roon? Tinikis ko ang ilang taon na hindi kasama si Danilo, kung alam ko lang na mangyayari ito, hindi ko na sana pinahaba ang mga taon na hindi siya kasama. Kung alam ko lang sana na babawiin siya sa akin sa ganitong paraan, sana—" naputol ang lahat ng sasabihin niya dahil napahagulgol na sa iyak ang matanda. Sapo-sapo nito ang dibdib habang pilit naman siyang pinapakalma ni Esmeralda.
"Wala kang pagkakamali Don Hernan, wala akong nakikitang mali kun'di pagsasakripisyo sa parte mo. Sadyang, nabulag ng galit ang kaibigan niyo. Siguro naman oras na para komprontahin mo siya sa tunay na rason kung bait kayo umabot sa ganito. BAtid kong may malalim na pinaghuhugutan ang kaibigan niyo. Kung wala man, mas mapapadali ang paggawa natin ng desisyon. Subukan muna nating buksan ang isip at puso natin sa mga sasabihin niya. Huwag mong hayaang galit rin ang mamayani sa puso mo sa pagkakataong ito Don Hernan." Mahinahong paalala ni Esmeralda.
Hinayaan na lamang ni Esmeralda na maglabas ng sama ng loob ang matanda. Nanatili lamang siya sa tabi nito at matiyagang hinintay ang paghinahon nito. Tuluyan lamang itong huminahon nang makita nito ang bunsong apo sa anak niyang si Danilo. Ang tawa ng bata ang siyang nagpakalma sa matanda.
"Pasensiya ka na ha, apo. Naging mahina ang lolo, hindi niya naipagtanggol ang papa mo kaya hindi mo na siya nakilala pa. Hayaan mo, gagawin ni lolo ang lahat para makuha ang hustisya." wika pa ni Don Hernan sa bata. Tatawa-tawa lang naman ang sanggol na animo'y natutuwa kapang naririnig ang boses ng matanda.
"Lo, tutulong po ako, hindi ako papayag na mauuwi lang sa wala ang nangyari sa amin, nawalan kami ng ama, at pinahirapan nila si mama. Kung hindi lang dahil sa tulong nina Esmeralda, Mateo at Ka Ismael, marahil ay hindi rin makakaligtas ang bunso namin." wika ni Kaled, nakahawak naman sa braso niya si Sylvia. Umiiyak na rin ito at maging si Rimo na nasa gilid ay hindi na rin napigilan ang mapahikbi.
"Napakarami na ang nadamay, tama ka Esmeralda, oras na siguro para tapusin ang lahat ng kabaliwang ito. Nang sa gano'n, makapamuhay na ang lahat sa tahimik. Matanda na ako, nais ko na lang ang magkaroon ng tahimik na buhay kasama ang pamilya ko. Nakikiusap ako sa'yo, iligtas mo ang aking anak at apo, nais ko pa silang makasama." Umiiyak na pagmamakaawa ni Don Hernan.
Natahimik naman si Esmeralda at napatingin kay Ismael at Mateo. Tumango ang mga ito at napangiti na rin siya, bago binalikan ng tingin ang matanda. Marahan niyang tinapik ang balikat ng matanda at muli itong pinakalma.
"Kung hindi namin kayo balak tulungan, wala na dapat kami rito. Hayaan niyo Don Hernan, babawiin natin ang anak at apo ninyo. Manalig lamang ho kayo sa Maykapal, hindi niya pababayaan ang mga nagtitiwala at nananalig sa kakayahan niya." saad pa ni Esmeralda.
Nang araw ding iyon ay nanatili si Esmeralda sa harap ng puno ng mangga sa likod ng mansyon.
Tahimik siyang nagninilay kasama si Liyab, habang si Mateo naman ay patuloy na inihahanda ni Ismael. Hindi lang iisang angkan ng aswang ang kanilang haharapin. Hindi pa nila alam ang tunay na bilang ng natitirang aswang, kaya dapat mas mabawasan pa nila ito bago dumating ang araw ng huling pagtutuos.
Nang gabing iyon, kasama ang iilan sa mga pinagkakatiwalaang trabahador ni Don Hernan at iilan pang taga-baranggay ay sumama sina Mateo at Esmeralda sa pagroronda. Pansamantala nilang ginawang pahingahan at tagpuan ang bahay nina Kaled. Doon ay pinanatili nila ang kaalaman ng ibang mga tao na naroroon pa rin ang pamilya ni Kaled sa loob.
Sa ilang gabing pagroronda nila, halos nakakatimbog at nakakapat*y sila ng hindi bababa sa dalawang aswang, kung papalarin ay nakakalima sila. Ganoon karami ang aswang na walang habas na nanalakay sa mga pamilya sa bayang iyon at sa karatig bayan pa.
"Nakailan na ba tayo? Grabe, napakaraming aswang na pala ang naninirahan sa bayan natin, wala pa rin tayong alam. Kung hindi pa naging talamak ang biktima, wala pa rin tayong alam." Iiling-iling na wika ng isang tanod.
"Oo nga pre, hirap talaga nang walang alam."
"Ang mahirap kamo ang hindi paniwalaan kahit pa lantad na ang ebidensya, hindi pa rin tayo naniwala." Wika naman ng isa.
Nagkatinginan naman si Esmeralda at Mateo, pareho lang silang nagkibit-balikat. Para sa mga simpleng tao at walang kaalaman, mahirap nga naman talaga ang maniwala sa mga nilalang na ni sa hinagap ay hindi mo aakalaing nabubuhay sa mundo kasama ang mga tao.
"Hindi pa naman huli ang lahat, ngayong nakita niyo na ang katotohanan, mas malaya na kayong ipagtanggol ang mga sarili niyo at ang ibang tao sa panganib na dulot ng mga nilalang na noon ay hindi niyo pinaniniwalaan." Ani Mateo. Nagtanguan naman ang mga ito bilang pagsang-ayon sa sinabu ng binata.
"Sa tingin ko, malaking bilang na rin ang nabawas natin sa kanila. Karamihan sa napat*y natin ay mga tiktik at iilan naman ang mga matrukulan, pero lahat sila ang punterya ay mga buntis. Mabuti na lang talaga at hindi nila mahagilap ang ibang mga buntis ang ang natitirang nasa bayan ang binabalik-balikan nila." Wika ng isa pang tanod.
"At buti na lang may alam ang mga kasama natin, grabe kayo, parang hindi kayo mga bata ah." Puna naman ng isa sa kanila.
"Ito na kasi ang kakambal ng ikinabubuhay namin. Kaya may alam talaga kami. Kaya kayo, huwag niyong babalewalain kahit ang pag-alulong lang ng mga aso. Mas maigi pa rin na nakapaghanda kaysa sa wala. " Wika pa ni Mateo.
"Tama si Mateo, ang simpleng pagbaliktad ng walis-tingting sa gabi ay isa ng proteksyon para hindi kayo mapasok ng mga aswang sa loob ng bahay niyo. Magsunog naman kayo ng goma kung nais niyo silang itaboy, lalo kapag may bata o buntis sa loob ng pamamahay niyo."
"At hindi lang dapat sa aswang kayo dapat handa, dahil kahit ang mga tao ngayon ay mas nakakatakot na sa kanila, lalo na ang mga halang ang bituka." Dagdag naman ni Mateo sa tinuran ni Esmeralda.
Kinabukasan, muling bumalik sina Esmeralda at Mateo sa mansyon ng Don, para kausapin ito sa magigibg hakbang nila. Napagdesisyonan nila ang pagbisita sa bahay na tintirhan ni ni Don Pablo.
"Ang alam ko ay umuupa lamang sila sa lugar na iyon. Hindi tagarito si Pablo, at kamakailan lang din siya nakapunta rito." Sambit ni Don Hernan at tila natigilan.
Noon lang din napagtanto ng Don, nagkataon lang ba talaga na naroon ang kaibigan niya o sadyang alam na nito na naroroon sila. Siya na mismo ang lumapit dahil na rin sa nahihirapan na ang mga aswang na pasunurin ang Don.
"Talagang napaglaruan ako ng kaibigan ko. Masyado talaga akong nagtiwala." Natatawa na lamang na wika ng matanda pero bakas pa rin sa boses nito ang sama ng loob.
"Ginamit niya ang pagtitiwala mo para makalapit sa inyo. Hindi makapasok ang mga aswang sa mansyon kaya siya na mismo ang lumapit dahil alam niyang tatanggapin mo siya. Doon na nagkaroon ng pagkakataon ang mangkukulam na lapatan ng sakit si Hanna, dahil wala itong proteksyon." Wika ni Ismael.