Infinito: Salinlahi-Chapter 48

If audio player doesn't work, press Reset or reload the page.

Chapter 48 - 48

Natahimik si Ismael at napatingin kay Esmeralda. Kitang-kita niya ang naging kislap sa mga mata ng anak. Napailing na lang si Ismael at muling itinuon ang paningin sa dalawang matanda. Sa pakiwari niya ay mga albularyo rin ang mga ito.

"Wala bang ibang mangagamot o albularyo sa inyo, kahit mga manunugis?" Tanong ni Ismael.

Foll𝑜w current novℯls on ƒrēewebnoѵёl.cσm.

Sabay pang umiling ang dalawang matanda at nanlulumong tumingin sa kanila.

"Lahat ng nasalinan ng aming kakayahan ay walang awang pinaslang ng mga kampon ng nilalang na iyon. Wala kaming magawa dahil baguhan sila at kami ay matatanda na. Ang mga manunugis naman ay wala ng nagawa kun'di ang tuluyang magpasakop sa pamunuan nila dahil hawak ng mga nilalang na iyon ang buhay ng mga tao sa bayan namin."

"Lahat sila?"

"Hindi lahat, pero hindi sila makagalaw. Kung tutulungan niyo kami, hanapin niyo sa bayan ang tinguriang berdugo, naghihintay lang siya at ang grupo niya." Wika naman ng babae.

Sa pagkakataong iyon napatango si Esmeralda. Nabuhay ang kuryusidad niya sa tinatawag na berdugo. Agad naman niyang kinausap si Ismael at nagdesisyon sila na tulungan ang mga ito.

Pamilyar din naman kasi kay Esmeralda ang bayan ng Pahunay. Minsan na itong naikuwento sa kaniya ni Lolo Armando at ang bayang iyon ang bayan ng mga malalakas na manunugis. Kaya nagtataka siya kung paano nasakop ng iisang nilalang ang bayang iyon.

"Lolo Goryo, matanong ko lamang po. Ano po ba ang kalaban natin rito?" Tanong ni Esmeralda.

"Isang hanagob, isang uri ng aswang na nagmula sa pinagsamang sinaunang lahi ng bangkilan at pinakamalakas na gabunan. Malakas ang uri niya, kahit nag-iisa siya, kayang-kaya niyang patumbahin ang mga batikang manunugis namin. At kinatatakutan din siya ng iba pang uri ng aswang." Sagot ng lalaki.

"Hanagob, talaga? Ano, Dong, sasama ka ba?"

"Oo naman ate. Hanagob 'yan eh. Naririnig ko lang sila pero hindi pa ako nakakakita ng isa." Sabik pang wika ni Dodong. Natawa naman si Esmeralda at marahang ginulo ang buhok ng bata.

"Mukhang may pagkakaabalahan na ulit kayo. Pero sana matapos niyo agad ang labang iyan Esme, malapit na ang kaarawan mo at maghahanda tayo," paalala ni Ismael.

"Oho, amang naiintindihan ko po. Babalik po kami bago iyon." Nakangiting tugon ni Esmeralda. Nang umaga ding iyon ay kinausap ni Esmeralda si Mateo.

Agad namang pumayag ang binata at naghanda na sila. Si Dodong naman ay naging abala sa pag-iimpake ng mga damit niyang dadalhin sa paglalakbay nila. Bukod doon, nagmistulang imbakan rin ng pagkain ang kalahati ng dala nitong bag.

"Kung hindi ko lang alam na laban ang pupuntahan natin,aakalain kong magpi-picnic tayo sa dami ng pagkaing dala mo Dodong." Umiiling-iling na puna ni Mateo. .

"Baka kasi malayo kuya, kaya kailangan maraming pagkain." Inosenteng wika naman ni Dodong.

"Hayaan mo na Mat, may punto rin naman si Dodong. Tsaka ayaw mo no'n, hindi tayo magugutom." Tatawa-tawang wika ni Esmeralda.

Nang makumpleto na nila ang kani-kanilang mga gamit ay nagpaalam na sila kay Ismael. May mga halamang gamot rin naman itong pinadala sa kanila para magamit nila sa oras na kailangan.

Kasama nila ang dalawang matanda nang sumakay sila sa isang traysikel. Manghang-mangha naman si Dodong dahil noon lang din siya nakasakay sa ganoong uri ng transportasyon.

"Grabe, hindi ka talaga mapapagod kung sasakay ka lang. Akala ko kasi lalakarin natin patungo sa lugar nila Lolo Goryo." Natatawang wika ni Dodong habang aliw na aliw sa mabilis na takbo ng traysikel.

"Kung maglalakad tayo, hindi lang enerhiya natin ang masasayang, pati na rin oras. Nagmamadali nga tayo 'di ba. At isa pa, mas maiging makarating tayo sa bahay nina Lolo Goryo sa araw na ito para makapagplano muna tayo bago pasukin ang bayan nila."

"Tama si Mateo, Dong. Kaya hawak ka lang diyan at baka mahulog ka. " Paalala pa ni Esmeralda.

Halos apat na oras din ang itinakbo ng traysikel bago nila marating ang maliit na baryo na siyang itinuro naman ng dalawang matanda na hihintuan nila.

"Nandito na tayo. Halina kayo't magmadali, baka may makakita pa sa atin dito." Tawag ng matandang lalaki sa kanila.

Isang maliit na bahay ang pinagdalhan ng mga ito sa kanila, hindi mo iyon mainhahalintulad sa kubo dahil kalahati nito at gawa na sa matibay na kahoy at ang kalahati naman ay bato.

"May isang kilometro pa ang layo ng bayan namin dito pero, mas may alam kaming daanan na mas maikli. Kung tatahakin niyo ang bundok na ito sa likod, nasa tatlumpong minuto lamang ang gugugulin niyo. Pagdating niyo sa pinakatuktok, ay pababa naman ang landas na tatahakin niyo. Doon ay mararating niyo sa likuran bahagi ng bayan. Mas malapit rin iyon sa kinaroroonan ng mga manunugis."

"Lola, malakas ba talaga ang hanagob? Ibig sabihin, malakas rin ang pakiramdam nila? Kung gayon, hindi kaya ang pagdating naming ito, malalaman niya?" Tanong ni Dodong.

"Oo, Dodong, pero naalala mo ba ang pinahid nating langis kanina? Isa iyon sa magiging panangga natin para hindi tayo maramdaman ng hanagob. Sa ngayon, hindi niya maaamoy na may alam tayo, sa paningin at pang-amoy niya, normal na tao lang tayo. Hindi tayo dadaan sa likod, kun'di sa harap at magpapanggap tayong mga bakasyonista na napadpad lang sa bayan na iyon." Wika ni Esmeralda.

"Sigurado ka hija?" Tanong ni Goryo, halata ang pag-aalala sa mukha nito.

"Opo, Lolo Goryo. Kami ni Dodong ang dadaan sa harap at si Mateo naman sa Likod. Napag-usapan na namin ang mga ito. Maghihiwalay kami para makita namin ang bawat panig ng lagusan papasok at palabas ng bayan," paliwanag ni Esmeralda.

Tulad ng kanilang napagdesisyunan, nagpalipas lang sila ng gabing iyon sa bahay ng matanda. Kinabukasan ay agad na rin silang lumisan, tinatahak ang daang napag-usapan nila. Malaki ang tiwala ni Esmeralda kay Mateo dahil alam niyang nahasa na ito ni Ismael at bukod pa roon, nakasunod rin sa binata si Liyab. Habang silang dalawa naman ni Dodong ay masayang naglalakad sa daan na animo'y namamasyal lang.

"Ate, ayan na yata ang bayan," wika ni Dodong habang tinuturo ang malaking arko na siyang simbolo ng bungad ng bayan.

"Ok nga Dong, tara na. Siguradong maganda ang bayan na iyan." Tugon naman ni Esmeralda.

Pareho pa silang napatingala nang makita ang malaking karatula na nagsasaad ng pangalan ng bayan. Luma na iyon at halatang hindi naaalagaan. Gayunpaman ay ipinagsawalang bahala nila ito at nagbubulag-bulagang pinasok.

Sa pagpasok pa lamang nila ay ramdam na nila ang bigat ng lugar. Maraming nakatirik na bahay ngunit kapansin-pansin na kaunti lamang ang mga tao roon.

"Umalis kayo rito!" Singhal ng isang barakong lalaki. Bagama't malaki ang katawan nito, kapansin-pansin ang panghihina nito sa 'di malamang dahilan.

"Bakit naman ho? Nagbabakasyon lang naman kami, at balita namin maganda rito." Sabad ni Dodong.

"Walang maganda rito, kaya umalis na kayo." Muling ulit ng lalaki. Ngunit isa pang lalaki ang pumigil sa kanila.

"Oh, bakit mo naman pinaaalis ang mga iyan Paeng? Mukhang mga bakasyonista at halatang dumayo lamang para mamasyal eh. Pasensiya na kayo ha, ano ba ang sadya niyo?" Tanong ng kakarating pa lang na lalaki. Malapad ang ngiti nito sa labi at mukha ring mabait.

"Hay salamat may matino ring makakausap. May nakapagsabi kasi sa amin na magandang pasyalan raw ang kabundukan rito at malinis ang mga batis at talon." Nakangiting tugon rin ni Esmeralda.

Marahas na bumuntong-hininga ang naunang lalaki at padabog na umalis sa harapan nila.

"Pagpasensiyahan niyo na sana ang isang iyon. Ayaw talaga no'n sa mga dayo. Namimihasa kasi ang iba at sinisira ang kagandahan ng lugar namin. Kaya kayo, huwag kayong magkakalat rito kasi si Paeng talaga ang magpapalayas sa inyo." Biro pa nito bago tinugon ang nauna nilang tanong.

"Pero tunay ang mga narinig niyo. Kung gusto niyo, doon na lang kayo sa kakilala kong nagpapaupa." Alok nito at walang pagdadalawang-isip naman na sumama sina Esmeralda at Dodong.

Hindi naman malayo sa bukana ang pinagdalhan nito sa kanila. Dikit-dikit ang mga bahay na halos magkakasing-laki lang. Sa bandang kanan naman ay nakita nila sa hjndi kalayuan ang paanan ng bundok. Kung hindi siya nagkakamali, iyon ang parteng sinasabi sa kanila ng dalawang matanda. At malamang ay doon rin ang lusot ni Mateo.

"Loisa, mangungupahan daw sila." Sigaw ng lalaki sa isang babaeng abala sa pagsisibak ng kahoy. Napahinto ito at napatingin sa gawi nila. Saglit na tumagal pa ang pagkakatitig nito bago nito binitawan ang hawak na palakol at lumapit sa kanila."

"Regan, nagdala ka na naman ng dayo. Hindi ba't sinabi ko na sa iyo na wala na tayong tatanggaping dayo rito?" Inis na wika ng babae. Masama ang pagkakatitig nito sa lalaki at halatang hindi nito nagustuhan ang pagdadala nito sa kanila.

"Miss, pasensiya na, kami kasi amg nagpumilit. Hindi naman kami magtatagal. Siguro mga tatlo hanggang apat na araw lang." Sabad ni Esmeralda.

Nang magtama ang paningin nila ay agad niyang naramdaman ang malakas na awra ng dalaga. Marahil ay ito ang berdugong tinutukoy ng matanda.

"Ako nga pala si Esmeralda at ito naman ang kapatid kong si Dodong. Ikaw si Loisa, hindi ba? Sana payagan mo kaming magbakasyon rito kahit ilang araw lang. Pangako hindi kami magkakalat o hindi namin sisirain ang kagandahan ng lugar niyo." Dagdag pa niya

"Sandali lang Miss ha, kakausapin ko lang ang damuhong ito." Alanganing napangiti si Loisa at marahas na hinatak ang lalaki.

Tahimik namang sumunod sa likuran nila si Esme para marjnig ang pag-uusapan ng mga ito.

"Ano ka ba Regan, nahihibang ka ba? Tama na, hindi ka pa ba nakokonsensya?"

"Loisa, dayo yan at paniguradong malayo ang pinanggalingan ng mga iyon. Sino pa ang maghahanap sa kanila? Kailangan natin ng alay dahil nalalapit na naman ang kabilugan ng buwan at manginginain na naman siya. Ayoko nang mabawasan pa tayo."

"At ano, mga inosente ang ipapakain mo? Nababaliw ka na nga. Wala silang alam at hindi sila dapat madamay sa problema natin."

"Loisa, mag-isip ka nga. Si Karen ang susunod na alay, kapatid mo iyon. Ayos lang ba sa'yo na makita siyang kinakain ng halimaw na iyon? Wala tayong laban sa kaniya dahil lahat ng armas na meron tayo kinuha niya. Ni asin wala tayo. Paano natin ipagtatanggol ang mga mahal natin sa buhay? Ito lang ang solusyon na naiisip ko at sana makinig ka na lang. Hindi na ikaw ang pinakamalakas rito , hindi na ikaw ang dating berdugo."

Natameme naman ang babae sa tinuran ng kausap nito. Nang mga sandaling iyon ay bumalik na si Esmeralda sa harapan at nagpanggap na naghihintay pa rin sa kanila. Nang makita niya ang pagbabalik ng dalawa ay halatang nagkasundo na ang mga ito.

"Sige, payag na ako pero hanggang apat na araw lang kayo rito. Bawal kayong lumabas sa gabi, pagpatak ng alas sais dapat nasa loob na kayo ng bahay. Ayoko rin na nag-iingay kayo sa gabi, hangga't maaari, kahit anong kaluskos o tunog ang marinig niyo, huwag niyo na lang papansinin." Mahabang wika ni Loisa at masayang napatango naman ang dalawa.

Labag sa loob na pinatuloy sila ni Loisa sa bahay na katabi ng tinitirhan nito. Ramdam ni Esmeralda ang bigat ng loob ng dalaga habang pinapaliwanag sa kanila ang mga gamit sa loob ng bahay na iyon.