Infinito: Salinlahi-Chapter 55

If audio player doesn't work, press Reset or reload the page.

Chapter 55 - 55

Sumilay ang nakakalokong ngisi sa labi ni Esmeralda habang pinagmamasdan ang galit na galit na mga pagmumukha ng mga aswang na kasama ni Antonio. Habang ang lalaki naman ay nakangiti lang na nakatitig sa kaniya— sinusuri at pinag-aaralan ang bawat kibot ng labi at mga galaw na ginagawa niya.

"Natuwa ka ba sa pinakita kong ganda ng kagubatan, Esmeralda? Nararamdaman kong hindi ka isang normal na tao at kahit anong pangontra o proteksyon ang ilapat mo sa katawan mo, mararamdaman ko pa rin iyon. Alam mo bang nag-uumapaw ang puwersa sa katauhan mo? Kaya nga gustong-gusto kita. Birhen ka, at higit sa lahat kakaiba ka. Kung makakain ko ang puso mo, siguradong ako na ang magiging hari ng lahat." Wika ni Antonio, bakas sa gwapo nitong mukha ang pagkasabik at pagkaganid sa kapangyarihan. Tila ba ang mga mata nito ay tumatagos sa kaluluwa ng dalaga at nakikinita na niya ang kapangyarihang makakamit niya sa oras na mapasakaniya ang dugo at puso nito.

Napangisi naman si Esmeralda at patuyang sinalubong ang mga titig ng lalaki.

"Iyon eh, kung may kakayahan kang kunin ang puso ko, hanagob." sambit ni Esmeralda at tila doon nagregudon ang mga pag-angil ng mga kasama nitong aswang. Mabababang uri lang ang mga ito, at halatang hindi ito marunong mag-isip hindi tulad ng kanilang panginoon na animo'y walang reaksyon sa mga panunudyo niya.

"Hindi ko alam kung ano ang ginawa mo sa kagubatang ito at hindi nagawang makakilos ng mga engkanto at diwata na nangangalaga rito, pero isa lang ang sasabihin ko sa'yo. Pangahas ka, at galit na galit sila." Muli ay wika ni Esmeralda. Humalakhak naman si Antonio, lumabas ang matalas nitong mga pangil.

Read 𝓁atest chapters at fгeewёbnoѵel.cσm Only.

"Mahina sila, syempre wala silang magagawa. Kita mo, ni hindi nila magawang mangialam." Tumatawang wika ni Antonio. Napakuyom naman ng kamao si Esmeralda. KItang-kita niya kung paano binaboy ng mga aswang ang buong kagubatan. Kahit ang mga tubig ay hindi nakaligtas sa kalapastanganan nila. Sinira nila ang buong kagubatan, at ginawa nilang paralisado ang mga nilalang na nangangalaga roon.

Kapag naaalala niya ang mga engkantong nakalambitin sa talon na mga walang buhay ay umiigting ang galit niya sa mga ito. Hindi lamang tao ang kinitilan nila ng buhay kun'di maging ang mga nilalang na walang ginawa kun'di ang maisaayos ang kapaligiran. Sa kung paano ito ginawa ng lalaki ay hindi pa niya alam. Alam niyang malalakas rin ang mga engkanto ng gubat, pero dahil napat*y sila ni Antonio, kailangan niyang higit na mag-ingat rito.

"Alam kong may ginawa ka sa kanila, at hindi kita mapapatawad," giit ni Esmeralda.

"At sa tingin mo may pakialam ako? Magiging lamang tiyan lang kita, kaya maging ikaw walang magagawa." Sumenyas si Antonio at ilan sa mga alagad nito ang kumilos para atakihin sila. Nagsikilos na rin ang mga manunugis ata agad na sinalubong ang mga papalusob na mga aswang.

Nagsalubong ang kanilang mga sandata at kuko ng mga aswang. Walang nais padaig— nang oras na iyon, nagmistulang malawakang gyera ang nangyari, naging magulo ang lahat. Habang hayok na sinusunggaban ng mga aswang ang mga manunugis, hindi naman nagpapatalo ang mga ito. Bawat isa ay may pinaglalaban, higit lang na mas nananais ang pagnanais ng mga manunugis na mabuhay, kaya paisa-isa nilang napapatumba ang mga halimaw na minsan nang nagmalupit sa kanila.

Nabalot ng kilabot ang buong bayan dahil sa nagaganap na laban. Nakakapanghilakbot ang mga atungal at sigaw ng mga aswang na animo'y nanonoot hanggang sa kanilang mga buto.

"Dong, sa likod mo!" Sigaw ni Loisa nang makita ang isang dambuhalang aswang na papasugod sa likod ni Dodong. Mabilis na tumakbo si Loisa para sana tulungan ang bata ngunit sa hindi inaasahan ay napahinto siya nang makitang walang kahirap-hirap na sinangga ni Dodong ang malalaking kuko nito. Napanganga pa ang dalaga sa nakita, sino ang mag-aakalang kakayanin ng isang bata ang isang halimaw na hindi nila mapatumba noon.

Dahil sa pagkabigla ay hindi namalayan ni Loisa ang isang nilalang na pagapang na umaataki sa kaniya. Isang punyal ang humagibis sa tabi ng mukha ni Loisa at sinundan niya ito ngtingin. Doon niya nabungaran ang isang aswang na ngayon ay nasa likod niya at akma na sana siyang aatakihin ngunit hindi natuloy dahil sa pagtarak ng punyal sa noo nito.

Bumagsak sa lupa ang nilalang at muli siyang napalingon kay Dodong.

"Ate, pokus lang, kaya ko ang sarili ko." Wika ni Dodong at muli nang hinarap ang malaking nilalang na kalaban nito. Dahil naman sa tinuran ng bata ay mas naging alerto na si Loisa, itinuon niya ang pansin sa ibang aswang na pilit kumakalaban sa kanila. Mayamaya pa ay may isinaboy na pulbos si Esmeralda sa hangin na siyang nagbago naman ng kanilang sitwasyon. Ang kaninang mga aswang na hayok nahayok na umaatake sa kanila ay namimilipit na sa lupa na tira nasasaktan.

"Ano ang nangyayari? Bakit sila nagkakaganyan?" tanong ni Paeng, halos lahat sila ay natigilan.

"Ano kayo ngayon, masakit ba? Masakit talaga iyan dahil matindi ang epekto niyan sa mga tulad niyong ahalang ang bituka." Kutya ni Dodong, lumapit naman siya kay Esmeralda at hinarap naman nila ang nag-iisang nakatayo sa gitna ng mga nahihirapang aswang.

Tulad ng kanilang inaasahan, hindi eepekto kay Antonio ang akonito. malakas na uri siya ng aswang at nabibilang pa sa matatandang uri, kumbaga sa posisyon, isa siyang datu.

"Paano na 'yan, nag-iisa ka na lang," wika ni Dodong na nagpangisi naman kay Antonio.

"Mukhang napaghandaan niyo talaga ang pagpunta rito, pinahahanga niyo ako. Pero hindi uubra sa akin iyang panlaban niyo, dahil sa mahihina lang tumatalab iyan. At kung inaakala niyong sila lang ang mga alagad ko, nagkakamali kayo." sigaw ni Antonio. Itinaas nito ang kanang kamay sa ere at ikinumpas ito na tila nagbibigay ng hudyat.

Naging alerto sila nang makarinig ng malalakas na angil mula sa kadiliman. Dumagundong ang mga yabag sa lupa at humalakhak si Antonio— tila ba sigurado na ang kaniyang panalo. Nang humawi ang ulap at sumilay ang liwanag ng buwan doon nila nakita ang tatlong malalaking aswang na kapares ng nakalaban ni Dodong.

"Ate, may naririnig ako sa ilalim ng lupa, mukhang hindi lang itong nakikita natin ang kalaban na paparating." wika ni Dodong. Tumango si Esmeralda at agad na nagbigay ng hudyat sa grupo ni Loisa.

"Loisa, maghanda kayo, kami na ang bahala sa tatlong iyan, pagtuonan niyo ng pansin ang mga nasa ilalim ng lupa, mag-iingat kayo at huwag niyong hahayaang may mahatak ni isa sa inyo."

"Sige, kami na ang bahala. Alam namin kung paano kontrahin ang mga tulad nila. Alam kong malakas kayo ni Dodong, napatunayan ko na iyon, pero Mag-iingat pa rin kayo." tugon ni Loisa at bulaik na sa mga kasama niya.

"Sige, matakot kayo, nasisiyahan ako kapag nanginginig kayo sa takot. Mas masarap kainin ang takot." Humahalakhak na wika ni Antonio. Nanlilisik na ang mga mata nito at unti-unti na rin nagbabago ang kaanyuan nito. Kahit sa anyong aswang ay matikas pa rin ito. Kulay abo ang balat nito at maging ang buhok, kumulubot ang mukha nito at tila may mgha ugat na nag-umbukan sa buo nitong katawan. Napunit ang suot nitong itim na pang-itaas at lumantad sa kanila ang katawan nitong punong-puno ng bahid ng digmaan.

"Hindi kami takot sa'yo, pangit ka lang pero hindi ka nakakatakot." wika ni Dodong sabay hagis ng punyal rito. Mabilis namang inilagan iyon ni Antonio at natawa pa. Napangisi naman si Dodong at ipinagpag ang kamay na animo'y nag-aalis ng dumi roon.

"Gusto ko sanang sukatin ang lakas mo, pero ang sabi ni ate, may atraso ka pa raw sa kaniya, kaya ipapaubaya ko na sa kaniya ang pagpaparusa sa tulad mong anak ng dem*nyo." saad ni Dodong at saka hinarap ang tatlong malalaking halimaw.

Agad namang napabaling si Antonio kay Esmeralda na noo'y nakatingin lang kay Dodong na kinukutya ang tatlong halimaw na iyon.

"May oras ka pa para isuko ang sarili mo sa akin Esmeralda. Bibigyan kita ng pagkakataon mamili, buhay mo kapalit ng mga buhay nila. Palalayain ko ang bayang ito, ang kapalit, sasama ka sa akin nang walang angal." Nakangising wika ni Antonio.

"Babalik ka sa lupa, bakit ako sasama? Bakit ba ang dami mong satsat, lumaban ka kung gusto mo akong makuha." saad ni Esmeralda. Hinugot niya mula sa kaniyangtagiliran ang buntot-pagi at hinagupit ito sa lupa. Umangil naman si Antonio sa nakita, tila ba naapektuhan ito nang makita ang hawak ng dalaga.

"Alam mo ba kung ano ito? Buntot-pagi ito na ibinabad ko sa dagta ng akonito. At alam mo ba kung saan namin ito nakuha?" tanong ni Esmeralda at napangisi siya nang makita ang pagkabalisa sa mukha ni Antonio. Dahil rito, mabilis na kumilos si Esmeralda at dinaluhong ng atake ang lalaki. Nang bahagya na siyang malakait ay agad niyang hinagupit ang hawak na latigo sa aswang. Umilag naman ang kalaban ngunit hindi siya nagpatinag, patuloy niyang hinagupit si Antonio at patuloy rin itong umiilag. Ang mga aswang na aksidenteng natatamaan ng latigo ay agad na napapasubasob sa lupa at natutupok hanggang sa maging abo ang mga ito.

Samantala, tuwang-tuwa naman si Dodong habang nakikipaglaban sa tatlong malalaking nilalang. Umaalingawngaw ang tawa nito habang tila pinaglalaruan lamang ang mga kalaban. Naging mas lalong marahas ang kanyang paggalaw, tila isang hayop na sabik sa labanan. Hawak niya ang kanyang itak na kasingkinang ng buwan, mabilis niyang iniiwasan ang bawat atake ng mga kalaban at sinusuklian ito ng mas mabagsik na mga hampas.

Isang aswang ang sumugod sa kanya mula sa kanan, ngunit bago pa man ito makalapit ay inundayan na niya ito ng isang malalim na hiwa mula balikat pababa sa dibdib. Agad na bumagsak ang nilalang, nangingisay habang natutunaw ang katawan sa ilalim ng liwanag ng buwan.

Sa isang iglap, ang natitirang dalawang aswang ay umatras, waring nag-aalinlangan kung itutuloy pa ba ang laban. Ngunit imbes na umatras si Dodong, isang malademonyong ngiti ang gumuhit sa kanyang labi. "Ano? Atras na kayo?" hamon niya, habang iniikot-ikot ang itak sa kanyang kamay.