©Novel Buddy
Infinito: Salinlahi-Chapter 76
Chapter 76 - 76
Tahimik na silang naglakad pabalik sa bukid. Si Dodong naman ay nananatiling nakatingin sa sarili niyang mga kamay at may malalim na iniisip.
Pagdating sa bahay ni Esmeralda, agad na naghanda si Dodong at Esmeralda. Magkatulong nilang hinugasan ang mga halamang gamot at inilagay sa malapad na sisidlang gawa sa kawayan.
Matapos hugasan ay dinala naman nila ito sa katabing kubo. Inilapag nila ito sa maliit na mesa sa gilid ng papag.
"Mabuti naman at nakababa kayo agad. " Puna ni Ismael.
"Binilisan lang po namin, amang. Kamusta na ho si Maria?" Tanong ni Esmeralda.
"Maayos na siya, pero hindi pa rin sila nagigising. Nakontra ko ang ginagawang pagkuha sa kanila pero hindi ko pa sila tuluyang nababawi." Tugon ni Ismael.
Lumingon si Ismael. "Esme, ano sa tingin mo?" Tanong ng kaniyang ama. Nabakas ni Esmeralda ang lungkot sa mga mata ng matanda. Noon lang din niya napagtanto, hindi na pabata si Ismael.
Ginagap ni Esmeralda ang kamay ng kaniyang ama. Marahan niyang tinapik ito at bumuntong-hininga.
"Aalamin natin, amang. Ayoko pang magsalita hangga't walang ebidensya. Mas maigi kung magtatanong tayo."
Ramdam niyang nagdaramdam na rin ang kaniyang ama. Pareho sila ng kutob at alam niyang mahirap ito para sa kaniya dahil nga mga kapatid niya ang mga sangkot.
"Kumikilos na rin ang mga gabay, amang at alam na nila ang gagawin sa oras na makuha na natin ang katotohanan."
Tumango lang si Ismael at hindi na nagsalita pa. Hapon na nang lumabas si Ismael sa kubo ni Esmeralda. Sakto din namang dumating na si Liyab at agad siyang binalitaan ng dalaga.
Sinuri ni Liyab ang bata at ang lalaking nabiktima.
"Nasa ilalim ng itim na mahika ang dalawa, Esmeralda. Para itong kulam at isa lang ang alam kong may kayang gawin ito. Isang parakaraw, ang abilidad nila ay ang bigyan ng sakit ang biktima sa pamamagitan ng pagbulong sa pagkain o tubig. At mukhang mataas na uri ang parakaraw na ito dahil sa gabay niyang itim na engkanto."
"Isang parakaraw? Alam ko ang tungkol sa kanila at mahirap tukuyin ang mga uri nila hindi tulad ng mga mangkukulam. Para rin silang mga manlalason." Wika ni Ismael.
"Tama ka ho, amang. Ordinaryong tao lang sila at hindi mo sila makikilala hangga't hindi mo sila nakikitang isinasagawa ang kanilang mga orasyon." Sang-ayon naman ni Liyab.
"Pero may kakilala din naman akong parakaraw at hindi sila nagbibigay ng sakit kun'di nanggagamot. At sino naman kaya ang parakaraw na ito? Imposible namang si Silma o si Margarita." Umiiling-iling na wika ni Ismael.
"Pamamanmanan ko ang galaw nila sa mga kaibigan natin, amang." Saad ni Liyab at tinapik amg balikat ni Ismael.
"Salamat Liyab, mas maigi ngang pasundan mo sila, hindi natin alam baka nasa panganib rin ang mga buhay nila kaya nila nagagawa ito." Saad ni Ismael at tumango naman si Liyab.
"Liyab, may magagawa ka ba?" Tanong ni Esmeralda.
"Oo naman, hintayin lang natin ang pinatawag kong engkanto para matulungan tayo." Tugon naman ni Liyab at ngumiti.
Nang makita ito ni Esmeralda ay doon lang siya napanatag. Alam niyang magagamot na si Mang Pedro at Maria.
Saktong ala sais nang biglang may malamig na hangin ang umihip. Binuksan naman ni Liyab ang bintana sa kubong kinaroroonan ng kanilang pasyente.
"Pasok ka!" Tawag ni Liyab.
Isang napakagandang babae ang lumutang papasok sa bintana. May mahinhin itong ngiti sa mga labi. Kumikinang ang malaporselana nitong balat. Ang kulay pilak nitong buhok ay tila nagkikinangang brilyantes habang ang kulay berde nitong mga mata ay tila isang malalim na karagatan. Malarosas rin ang kulay ng mga labi nitong bahagyang nakabuka habang nakangiti sa kanilang.
"Pagbati, mahal na prinsipe, may ipapagawa ka?" Matapos batiin si Liyab ay agad namang dumapo ang mata nito kay Esmeralda.
"Isang karangalan ang makita ka Esme." Bati nito sa dalaga. At nang makita naman nito si Dodong sa tabi ay lalong lumapad naman ang ngiti sa labi ng engkantada.
"Kamusta, Kaliya?" Bati ni Dodong at tumango naman ang engkantada.
"Kaliya, magagamot mo ba sila? Matatanggal mo ba ang sakit na binigay sa kanila ng parakaraw?" Tanong ni Liyab.
"Titingnan ko ang magagawa ko Prinsipe Liyab."
Habang sinusuri ng engkantada si Maria ay nakamasid lang din si Ismael.
Sa tinagal-tagal na nakakasalamuha niya ang kaniyang mga gabay ay hindi pa rin talaga nawawala sa kaniya ang pagkamangha kapag ang mga ito na ang nanggagamot.
Alam niyang isang banwaanon ang engkantadang nasa harapan nila. Likas sa mga uri nito ang tumulong sa mga taong may sakit at nangangailangan lalo pa at alam nilang ang mga ito ay mabubuting tao. Kabaliktaran naman ng mga babaeng banwaanon ang mga lalaking banwaanon. Kung ang mga babae ay maawin at matulungin sa mga tao, ang mga lalaking banwaanon naman ay masasama. Nagdadala sila ng sakit at sumpa sa mga taong hindi nila nagugustuhan.
"Hayaan niyo muna silang magpahinga, bukas ay magiging maayos rin sila." Saad ng engkantada.
"Talaga? Okay na ang apo ko?" Sabad ni Mang Efren. Nakatingin pa ang matanda sa engkantada at hindi naman maikakaila ang pagkagulat sa mata ni Kaliya.
"Mukhang may isa pang biniyayaan ng paningin sa inyong hanay." Nakangiting wika ni Kaliya at saka naglaho na sa kanilang harapan.
"Mang Efren, magaling na ang apo niyo, napagaling na siya ng kaibigan nating engkantada. Kaya puwede ka nang magpahinga. Bukas magigising sila na parang walang nangyari." Wika ni Esmeralda. Tumango si Mang Efren habang nagpapahid ng luha ng kagalakan.
Kinaumagahan, tulad ng sabi sa kanila ni Kaliya, nagising si Mang Pedro at Maria. Animo'y nanggaling lang sila sa isang mahabang pagkakatulog at parehong nagtataka pa ang mga ito nang mag-iyakan ang kanilang mga pamilya.
"Maraming salamat sa Panginoon. Naku Pedro, kahapon pa naghihintay ang mga anak mo sa 'yo." Humihikbing wika ng asawa niya.
Si Mang Efren ay yakap-yakap naman si Maria na noo'y nagtataka pa sa iginawi ng kaniyang lolo.
"Maria, mabuti naman at gising ka na." Puna ni Dodong.
"Kuya Dong, bakit umiiyak si lolo? At bakit ganiyan kayo?" Takang tanong mg bata. Nagpabalik-balik naman ang tingin niya sa mga tao sa paligid niya.
Matapos ang nakakaantig na tagpong iyon, inihatid naman si Esme at Liyab si Ismael pabalik sa bahay nito. Sa daan ay nakasalubong nila si Mateo kasama si Paeng. Saglit silang huminto para pakinggan ang balita ng mga ito patungkol sa kanilang paghahanda.
Matapos naman ay nagpatuloy na sila. Pagdating sa bahay, naabutan nila si Silma na nagtatahip mg bigas sa bakuran. Normal na itong ginagawa ng ginang sa umaga lalo pa nga kapag may mga bagong ani silang palay. Agad naman itong napalingon sa kanila.
"O, kuya, inumaga ka na yata, may nangyari ba?" Tanong ni Silma.
"May pasyente lang kaming ginamot. Si tatay, nasa silid ba niya?" Sagot at tanong ni Ismael.
"Nasa kusina nagkakape. Siya nga pala kuya, naalala mo amg sinabi ko sa'yong mga babaeng nawalan ng anak pero buhay? Galing dito ang mga nanay nila, at ang sabi, nilagnat daw ng isang gabi ang mga babaeng iyon tapos, kinaumagahan nadatnan na lang nilang wala ng buhay." Kuwento ni Silma. Normak itong nakikipagkuwentuhan sa kanila, katulad ng nakasanayan nila. Wala rin namang kakaiba sa reaksyon at ekspresyon ng mukha nito.
"Gano'n ba, ano pa amg sabi nila?"
"Babalik daw sila para kausapin ka ng personal. Akala kasi namin babalik ka kahapon kaya pinaghintay ko sila rito ang kaso, inabot na ng hapon wala ka pa rin kaya pinauwi ko na muna sila. " Sagot ng ginang na tinanguan naman ni Ismael.
"Ah, tiya. Salamat nga po pala sa putong bigay niyo nang isang araw. Hindi na ako nakapagpasalamat kahapon, inutusan kasi ako ni amamg na manguha ng halamang gamot sa bundok."
"Puto? Anong puto? Hindi naman ako marunong magluto ng puto," kunot-noong sambit ni Silma at marahas na nagkatinginan si Ismael at Esmeralda.
"Wala ka bang pinaabot na puto kay Rita?" Usisa ni Ismael at napaisip naman si Silma. Kunot na kunot ang noo niya habang nakahawak pa sa ilalim ng babae ang dalawa niyang daliri.
"Kay Rita? Wala naman akong iniutos kay Rita at lalong wala akong putong pinapabigay. Kilala mo ako kuya, alam mong hindi ako kumakain ng puto at lalong hindi ko alam gumawa at higit sa lahat, hindi rin ako bumibili ng puto. "
Tila kidlat na nanumbalik naman sa kaniya ang sinabi ni Silma. Bigla niyang naalala, tama ang kapatid niya.
Updated from freewёbnoνel.com.
"Ah, tama. Naalala ko na. Nang dumating si Rita noong isang araw, nakita ko siyang may dalang puto. Baka iyon 'yon. Bakit, may problema ba ang puto kuya?" Naguguluhang napatingin si Silma sa kanila.
"Ano Esme, may nangyari ba? Bakit hindi kayo sumasagot?" Tanong ni Silma.
"Tiya Silma, sigurado ka bang hindi mo utos?"
"Oo naman, bakit ano bang problema?" Bakas na sa ginang ang paglabagot dahil sa hindi makakuha ng sagot. Dahil dito ay lalo namang naguluhan si Ismael at Esmeralda. Hindi na tuloy nila alam kung sino sa dalawa ang dapat nilang paghinalaan.