©Novel Buddy
Infinito: Salinlahi-Chapter 85
Chapter 85 - 85
Sa pagdating ni Dodong at Maliya sa bungad ay agad nilang nasilayan ang tatlong asbo na nasa anyong aso na natutulog sa ilalim ng lilim ng malaking pat*y na puno. Napahinto si Dodong at awtomatikong nagpatiuna habang itinatago sa likuran niya si Maliya.
"Diyan ka lang Maliya! Papalubog na ang araw at siguradong maya-maya lang ay magigising na sila." wika ni Dodong.
Napatingin naman si Maliya sa mga ito habang napapa-isip. "Hindi pa ba tayo papasok?"
"Hindi pa, kaunting minuto pa, saka tayo papasok!"
Makaraan ang ilang minuto, saktong bumababa na ang araw sa kalupaan ay humakbang si Dodong papalapit. Isang angil ang kumawala sa pagitan ng bunganga ng tatlong asbo at napangisi si Dodong. Iyon kasi ang inaabangan niya ang paggising ng mga bantay. Kailangan kasi nilang gumawa ng kaguluhan upang malayang makababa sina Esmeralda mula sa itaas ng bundok. Magsisilbi silang pain ni Maliya, dalawang batang musmos na naligaw sa kuta ng mga aswang.
Agad na nagkunwaring takot si Dodong habang pinoprotektahan si Maliya. Si Maliya naman, tulad ng dati ay diretsong nakatingin lang sa mga nilalang, walang emosyon, walang kaba at walang takot na namumutawi sa pagkatao niya.
Nang tuluyan nang magising ang mga asbo ay sumigaw si Dodong, napasigaw na rin si Maliya at akmang tatakbo sila palayo nang mapalibutan sila ng mga ito.
"Aba, ano ito? Mga batang naliligaw." Isang aswang ang nakita nilang papalapit sa kanila, hindi ito katulad ng mga asbong nasa anyong aso, halatang isang malakas na uri ito ng aswang dahil nasa anyong tao pa rin ito.
"Saan ba ang tungo ninyo Otoy?" tanong nito at nagpalinga-linga si Dodong, tila naghahanap ng malulusutan. "O, bakit? hindi naman namin kayo sasaktan, ang totoo niyan, baka nga tulungan pa namin kayo na makauwi. Hindi naman nananakmal ang mga asong iyan, sadyang bantay sila sa aming munting pamayanan." paliwanag naman ng lalaki.
"Talaga?" inosenteng tanong ni Dodong. Nanatiling nakasunod ang mga mata niya sa mga asong nakapalibot sa kaniya. Pagbaling naman niya sa lalaki, isang ngiti ang sumilay sa mga labi nito.
"Oo naman, hali kayo, huwag kayong matakot at kasama niyo naman ako." Alok pa ng lalaki.
Nagpatianod sila na parang inosenteng mga bata. Nakahawak lang si Maliya sa likod ng damit ni Dodong.
Napapangisi lang si Dodong habang ang isang kamay niya ay nakadukot na sa kaniyang bulsa. Ngiting-ngiti pa ang lalaki nang lumingon sa kaniya at hindi niya inaasahan ang pagsaboy ni Dodong ng pulbos sa kaniyang mukha.
Napasigaw ang lalaki dahil sa sakit. Hawak nito ang mukhang natamaan ng pulbos at tila nalulusaw ang pagbabalat-kayo nito. Ang maganda nitong mukha ay nawala, napalitan ng malahalimaw nitong anyo. Maging ang katawan nito ay lumaki ng doble sa laki ng normal na tao.
"Pangahas kang bata ka, gagawin kotang hapunan ko!" Sigaw ng aswang at mabilis na sinunggaban si Dodong. Nakakita naman ng pagkakataon si Dodong at hinugot ang itak na nakatago sa kaniyang likuran. Sinalubong ng talim nito amg matatalas na kuko ng aswang. Naglikha ito ng nakakangilong tunog at napatakip naman sa dalawang tainga si Maliya.
Muljng sumigaw ang aswang at nakuha nito ang atensyon ng iba pang aswang na naroroon. Dahil rito ay muling nagsaboy ng pulbos si Maliya at natamaan nito ang iba pang mga aswang dahilan para manghina ang mga ito.
"Akala niyo ba, t*nga kami para maligaw sa lugar na ito? Bata lang kami pero kami ang tatapos sa paghahari niyo rito." Sigaw ni Dodong. Dinaluhong niya ng taga ang aswang na agad naman nitong nailagan. Bagaman nanghihina ay higt pa rin itong malakas kaysa sa normal na tao. Pero dahil hindi normal si Dodong ay nagagawa niyang sabayan ang liksi at bilis ang nilalang.
"Anong klaseng bata ka, bakit ang bilis mo?" Galit na tanong ng aswang. Bakas sa mukha nito ang pagtataka habang pilit na hinuhuli si Dodong.
"Hah, bakit natatakot ka na ba sa kaya kong gawin? Hindi ko pa nga pinapakita ang tunay kong kakayahan, kinakabahan ka naman agad. Sige lang, lapit lang. Tingnan nating kung saan ang mas tatagal, ang buhay mo o ang buhay ko!" Panghahamon ni Dodong.
Bago pa man makasagot ang aswang ay mabilis na itong inatake ng taga ni Dodong. Sumambulat ang katawan nito sa lupa at ang itak ng bata ay tumagos sa balikat nito. Rinig na rinig ni Dodong ang paghiwa nito sa kalamnan ng aswang na tumagos pa hanggang buto.
"Ilang buhay na ba ang pinahirapan niyo, ngayon, ako ang magiging parusa niyo." Gigil na wika ni Dodong. Binunot niya ang itak ay muli itong itinarak. Ngayon ay sentro na ito sa dibdib ng aswang. Walang kahirap-hirap niyang hiniwa ang dibdib ng nilalang pababa patungo sa tiyan nito. Animo'y ginaya niya kung paano ang ginagawa ng mga aswang sa biktima nilang mga tao. Bumulwak ang masasaganang d*go mula roon at halos kasabay nito ang paglabas ng lamang-loob ng nilalang.
Nanlalaki ang mga mata ni Maliya sa nakikita. Mahigpit ang nagiging hawak ng bata sa supot na naglalaman ng pulbos na siyang nagiging proteksyon niya laban sa mga aswang na nakapalibot sa kaniya.
Nagpalinga-linga naman si Maliya habang nagpapatuloy sa pakikipaglaban si Dodong sa mga aswang. Lahat ng nagtatangkang lumapit sa kaniya ay sinasabuyan niya ng pulbos. Dahilan para manghina at mamilipit sa sakit ang mga ito.
"Saan la pupunta bata?"
Napasigaw si Maliya nang bumungad sa kaniya ang isang aswang. Nakakatakot ang mukha nitong maihahalintulad niya sa ulo ng ibon. May malalapad rin itong pakpak na halos hihigit sa isang dipa bawat isa.
Akmang sasabuyan niya ito nang bigla naman itong lumipad sa himapapawid. Pinagaspas naman nito ang pakpak na naglikha ng malakas na hangin. Dahil sa payat na pangangatawan ni Maliya ay hindi niya napigilan ang hindi matumba. Nabitawan niya ang dalang sisidlan dahilan para umatake patungo sa kaniya ang mga aswang na nasa baba.
Nagbunyi ang mga aswang nang makitang wala nang laban ang bata. Sabay-sabay silang umatake subalit bago pa man nila malapitan si Maliya ay dumating naman ang grupo nina Esmeralda.
Walang sabi-sabing pinugutan ng ulo ni Esmeralda ang mga aswang na malapit kay Maliya. Hindi kumurap ang mga mata ng dalaga sa bawat paghiwa niya sa leeg ng mga nilalang. Sunod-sunod na nagsigulungan ang mga ulo ng nilalang sa lupa na siyang nagbukas ng takot sa puso ni Maliya. Nanginginig ang mga kamay niyang dinampot muli ang sisidlan at dumukot roon ng pulbos.
Sinaboy niya ito sa mga aswang na malapit sa kaniya bago patakbong lumapit kay Esmeralda.
"Itago mo na iyan Maliya, hindi mo na kailangan iyan. Darating na ang mga kaibigan natin engkanto at hindi nila puwedeng maamoy ang pulbos na iyan. Manghihina rin sila. " Utos ni Esmeralda.
"Sige ate. Salamat at dumating kayo agad." Wika naman ng bata.
"Sina Liyab na ang bahala sa mga ito, wala rito ang hari nila, hanapin natin kung narito pa ba ang kaibigan mo."
"Ate, sa panaginip lo nakagapos siya sa isang malaking pat*y na puno. Marami siyang sugat at nanghihina na." Paliwanag ni Maliya. Tumango naman si Esmeralda at hinatak ang bata. Habang dumadaan sila sa mga naglalabang aswang at mga engkanto ay pasimple ring pumapat*y si Esmeralda.
Nang makalagpas na sila ay inikot naman nila ang buong lugar. Halos pare-pareho ang itsura ng mga punong naroroon. Tuyo, walang buhay at animo'y isang buhay na pat*y ang mga ito. Nakakapangilabot rin ang kabuuan ng paligid. Ang hanging panggabi ay mas nakakapanindig-balahibo.
Nasa dulo na sila nang patakbong lumapit si Maliya sa isang matandang puno. Doon, nasilayan ni Esmeralda ang isang nilalang na nakagapos. Hindi ito ang inaasahan niya. May duda na siyang hindi ordinaryo ang kaibigan ni Maliya subalit nagulat pa rin siya sa kaniyang nakita.
"Uran, Uran, nandito na si Maliya. Uran gumising ka, buhay ka pa ba?" Umiiyak na tawag ng bata. Nang magmulat ito ng mata ay agad na nabakas ni Esmeralda ang talot sa mga mata nito. Takot hindi para sa kaniyang sarili kun'di para sa kaharap na bata.
"Maliya, umalis ka na rito bago ka pa maamoy ng mga aswang. Napakarami nila, mahina na ako. Hindi kita kayang protektahan dito."
Nanghihinang wika nito. Tila ba pinipilit na lamang nitong maituwid ang bawat katagang lumalabas sa kaniyang bibig.
Marahang lumapit si Esmeralda upang malinaw na masilayan ang nilalang na nasa harapan niya. Malaki ang pangangatawan ng nilalang na may nag-uumbukang kalamnan. Mahaba ang magulo nitong buhok na tumatakip sa sugatan nitong mukha. Maging ang katawan nito ay balot na balot rin ng mga sugat na marahil ay resulta ng pagpapahirap sa kaniya ng mga aswang.
"Nabigo akong protektahan ang lagusan, Maliya, kailangan mo nang lumayo sa lugar na ito. Uusbong amg digmaan at ang mga batang katulad mo ang magiging pangunahing biktima ng walang katuturang paglalabang ito." Dugtong ng nilalang.
"Isa kang kurarit?" Hindi napigilang tanong ni Esmeralda. Umangat ang mukha nito at napatingin sa kaniya.
"Sandali, hindi ako kaaway, ang totoo niyang narito ako para iligtas ka dahil iyon ang hiling ni Maliya." Itinaas ni Esmeralda ang kamay bilang pagsuko at pakalmahin ang galit sa dibdib ng nilalang.
Gamit ang kaniyang itak ay walang pagdadalawang-isip niyang pinakawalan ang nilalang mula sa pagkakagapos nito. Bumagsak paluhod si Uran sa lupa , halatang iniinda nito ang mga sugat sa buo niyang katawan.