©Novel Buddy
Infinito: Salinlahi-Chapter 86
Chapter 86 - 86
"Uran, ayos ka lang ba? Ang dami mong sugat, ano bang ginawa nila sa'yo?" Nag-aalalang tanong ni Maliya. Walang takot nitong niyakap amg nilalang at humihingal namang gumanti ng yakap si Uran sa bata.
"Nakahanap ka ng tulong? Nahanap mo ang mga babaylan sa kabilang bundok?" tanong nito at umiling ang bata.
"Sila ang nakahanap sa akin. Hindi ko naman alam ang papunta roon, Uran. Kaya mo pa ba?" inosenteng tanong ng bata.
"Kaya ko pa." Tumingin si Uran kay Esmeralda. Ang mga mata nito ay tila nananantya, sinusuri maging ang kaibuturan ng pagkatao ng dalaga. "Salamat sa tulong," wika niya at bahagyang iniyuko ang ulo, pagpapakita ng sensiridad nito. Umiling naman si Esmeralda at nagmadali nang bumalik sa kinaroroonan nina Liyab. Pagdating ay iniwan niya lang sina Maliya sa isang tabi at tinulungan na sina Dodong. Dahil katuwang nila ang mga engkanto, hindi naglaon ay napatumba nila ang lahat ng mga aswang na naroroon.
Pinagpatong-patong nila ang mga katawan ng aswang na wala ng buhay, at mula sa kalangitan isang nag-aapoy na nilalang ang bumulusok patungo sa tumpok ng katawan. Nagliyab ang mga ito ay rinig na rinig ni Esmeralda ang dahan-dahang pagtupok ng apoy sa walang buhay na katawan ng mga aswang.
"Wala na bang natira?" tanong ni Esmeralda. Lumapit naman si LIyab habang hinahatak ang isang duguang aswang.
"Isa ang itinira naman, at siya ang magtuturo sa kinaroroonan ng kanilang hari. Mukhang nabuksan na nila ang lagusan dito at patungo na sila sa panghulking lagusan." wika ni Liyab.
"Alam niyo na ba ang eksaktong lugar, Liyab?" tanong ni Esmeralda at malungkot na tumango ang binata."
"Iyon ang lugar kung saan namat*y ang ating mga magulang Esme." Sagot ni Liyab at saglit na natigilan si Esmeralda. Bumuga siya ng hangin at bahagyang napapikit.
"Alam ko ang maiksing daan patungo sa lugar na iyon. Kung tatahakin natin ito ngayon ay makakaabot tayo roon nang mas mabilis. " Wika ni Uran.
"Uran, kaya mo pa ba?"
"Ayos lang ako Maliya, kailangan ko silang tulungan dahil nakasalalay rito ang kinabukasan mo." Sagot naman ng kuraret. Tumalikod ito at tinungo ang isang kariton sa hindi kalayuan, binuksan nito ang takip na makapal na tela at may kung anong kinuha roon. Isang malaking itak naman ang nakita nilang bitbit ng nilalang. Lumapit ito sa isang malaking puno at itinaas doon ang kaniyang itak. Halos kasinlaki ito ng apat na doble ng normal na laki ng itak. Sa isang malakas na paghiwa sa ere, tila isang telang napunit naman ang katawan ng puno. Hindi ito normal na paghiwa at ang nakikita nila ay isang nagbubukas ng lagusan.
"Isang lagusan?" Gulat na wika ni Dodong.
"Tama, isa siyang kuraret! Kaya niyang magbukas ng lagusan sa kahit anong paraan man niya gustuhin." Komento ni Hagnaya. Sinuri nila ang lagusan at naunang pumasok roon ang ilan sa mga engkantong kasama nila. Pagbalik ng mga ito ay sinabi nilang ligtas ang lagusan at daanan nga iyon na konektado lamang sa mundo ng mga engkanto.
"Sa daan ko na ipapaliwanag ang plano ng haring Hanagob, alam ko ang plano niya at ang dahilan kung bakit niya nais sirain ang selyo ng mga lagusang konektado sa mundong ito." Muling binalikan ni Uran ang kaniyang kariton, kinuha nito ang takip at tumambad sa kanila ang mga ulong naroroon. Napangiwi si Esmeralda at bahagyang napatakip sa kaniyang ilong. Walang sali-salita namang kinuha ni Uran isa-isa ang mga ulo at dinala iyon sa kaniyang bunganga. Kitang-kita nila kung paano nito isubo ng buo ang mga pugot na ulong nasa kariton niya.
Napatalikod na lang si Esmeralda nang hindi na niya masikmura ang kaniyang nakikita. Tila normal naman para kay Maliya ang tanawing iyon dahil walang kakurap-kurap nitong pinanonood ang ginagawa ni Uran. Sinimot nito ang laman ng kariton, wala siyang itinira, kahit isa. Matapos ay inilubog niya sa ilog ang kaniyang kariton at hinayaang hugasan ng agos ng tubig ang mga dugong natira doon.
"Lahat ng mga tao na hindi kayang sundan ang bilis ng oras sa lagusang iyan ay sasakay dito sa kariton ko." Wika ni Uran. Binuhat niya si Maliya ay inuna nang isakay sa kariton.
"Sige na Esme, sumakay ka na. Kayo ni Dodong. Hindi niyo kakayanin ang takbo ng oras sa lagusan, ganitong nagmamadali tayo." Wika ni Liyab at tumango naman si Esmeralda.
Maingat siyang inalalayan ni Liyab paakyat ng kariton at ganoon din naman si Dodong. Matapos makapaghanda ay nauna nang pumasok si Uran habang hatak ang kaniyang kariton.
Napakadilim ng lagusang iyon, wala silang ibang nakikita kun'di puro kadiliman. Nang tuluyan na silang gumalaw ay nakikita ni Esmeraldang tumatakbo si Uran, gayon din ang mga engkantong nasa magkabilang gilid ng kariton. Ang nakakamangha, naaninag nila ang mga kasama nila ngunit ang paligid nila ay hindi. Nagmistulang sila lang ang naroroon, kahit ang lupang tinatakbuhan nila ay hindi nila naaaninag.
Kung hindi lang dahil sa nakikita nila sina Liyab ay masasakal na sila sa kadilimang iyon. Halos hindi rin malaman ni Esmeralda kung gaano sila katagal sa lugar na iyon. Napapikit lang siya ng isang saglit at sa kaniyang muling pagmulat ay nasa kagubatan na ulit sila.
Agad siyang nakaramdam ng kakaiba sa kagubatang iyon. Lungkot ang nangingibabaw habang pinagmamasdan niya ang pamilyar na lugar na iyon. Ang nakakapagtaka, ni minsan sa buhay niya ay hindi pa niya napupuntahan ang lugar na iyon subalit pakiramdam niya ay pamilyar ito sa kaniya.
Tahimik ang buong gubat, mga tunog lang ng ibon, ang lagaslas ng tubig at ang banayad na ihip ng hangin ang tangi nilang naririnig.
"Grabe, ang ganda rito ate." Puna ni Dodong, dahil sa sinabi ng bata ay bumalik naman sa huwisyo si Esmeralda. Muli niyang inilibot ang kaniyang paningin at agad na nakuha ang atensyon niya ng isang kubong nakatayo sa pagitan ng dalawang malalaking puno ng balete.
Nakatayo pa rin ang kubong iyon, kahit may kalumaan, mukhang may angking katibayan pa rin ito.
"Iyan ang kubo ng ating mga magulang, Esme. Dito tayo ipinanganak." Wika ni Liyab, napatango si Esmeralda. Tinitigan niya ang kubo at tila nakikita niya ang imahen ng kaniyang mga magulang na masayang naninirahan roon. Hindi man niya nasilayan ang wangis ng mga ito ay tila nakabakas naman sa alaala niya ang silweta ng kanilang alaala.
"Mukhang hindi pa ito nararating ng mga aswang, maghanda na kayo dahil ano mang sandali ay mararaying nila ito. Mas naging mabilis lang tayo dahil ang lagusan ko ang ginamit." Wika ni Uran. Napatingin ang kuraret sa kubo at tila nagbigay galang ito bago itinabi doon ang kaniyang kariton.
"Narito ang lagusan. Sa mismong kubong ito. Ang alam ko ay isnag mahomanay ang nakatira rito noon kasama ang isang malakas na babaylan."
Gulat na napatingin si Esmeralda sa kuraret. " Alam mo ang tungkol sa aming mga magulang?" Tanong niya at nakuha nito ang pansin ni Uran. Matama siyang tinitigan ng nilalang sa mata hanggang sa tila may naalala ito.
"Siya nga. Kaya pala. Anak ka ng isang mahomanay at Isang makapangyarihang babaylan. Ang babaylang naglagay ng selyo sa lagusang ito." Wika ni Uran.
Kumalat na sa paligid ang mga kasama nilang engkanto at nagsimula nang maglagay ng mga bagat para sa mga aswang. Bagaman hindi nito mapapat*y ang mga aswang, magagawa namang mapatagal ng mga bagat ang pagpasok ng mga ito sa lugar na iyon. Mabibigyan sila ng oras para mapaghandaan ang nalalapit nilang pag-atake.
"Kabilugan ng buwan mamaya, ngunit hindi pa ito ang pagdugo ng langit. Ngayong narating na natin ang lugar na ito, kailangan naman nating ipagbigay alam sa mga babaylan ang kinaroroonan at ang kasalukuyan natin sitwasyon." Suhestiyon ni Hagnaya.
"Ako na ang magpapadala ng mensahero Hagnaya, sabihan mo ang mga tamalanhig na pagtibayin ang mga bagat na ipalagay nila sa palibot ng lugar na ito. Katulad pa rin ng dahil, magkakaroon ng tatlong hanay bago ang kinatatayuan natin at bawat hanay ay maglalagay tayo ng mga kawal at bantay." Wika naman ni Liyab.
Sumang-ayon si Hagnaya at agad na nagbigay ng utos. Sumangguni na rin sila sa matataas na pantas ng kanilang lahi.
Naging mabilisan ang paghahanda nila, lahat ng kawal ay tinipon nila doon dahil iyon na lamang ang tanging lagusan na nakasara pa.
"Nakamusta mo na sina lola?" Tanong ni Esmeralda matapos makipagkonekta si Liyab sa kanilang naiwang pamilya.
"Oo, hindi naging maganda ang sitwasyon nila roon. Kinailangang lumantad ng mga engkanto para tulungna sila. Ang aswang na nasa bahay nina Amang ay nagbago na ng katauhan, lumabas rin ang katotohanan at malubhang nasugatan si Lolo Armando. Pero nasa maayos na siyang kalagayan, naagapan siya ni Lola Haraya. Sa ngayon ay patuloy pa rin nilang tinutugis ang mga natitirang aswang na sumalakay sa kanila." Salaysay ni Liyab.
"At si amang?"
"Maayos si Amang, dahil nasa tabi niya si Tiya Harani, hindi siya nalalapitan ng mga aswang. Ang sabi ni Lola, ipapadala niya rito si tiya at ang ibang manunugis sa oras na maging tahimik na ang bayan."
"Magandang ideya nga iyan, dahil mukhang kakailanganin natin amg lahat ng tulong na maaari nating makuha." Saad ni Esmeralda.