©Novel Buddy
Infinito: Salinlahi-Chapter 89
Chapter 89 - 89 freewёbnoνel.com
Sa paglapit ng mga anino ay napapaatras ang hanagob, nabakas sa mga mata nito ang pagkagimbal. Pamilyar sa kaniya ang mga aninong iyon, at angbibigay ito sa kaniya ng matinding takot at kilabot.
"Baka nakakalimutan mo aswang, kahit ang kakayahan ko ay nanggaling sa isang buyagan, isa pa rin akong babaylan. Ang dalawang magkasalungat kong kakayahan ay matagal ko nang napag-ibayo at hindi ako mahina, kagaya ng iniisip mo!"
Sa ikalawang beses na pagsambit ni Harani ng mga kataga at napaluhod ang isang tuhod ng hanagob sa lupa. Tila ba may nilalabanan itong puwersa na hindi nakikita ng kahit ng kanilang ikatlong mata.
"Isang pagkakamali ang pagbawi mo sa buhay ng aking kapatid, dahil sa'yo, inaral ko ang isang bagay na balak ko na sanang takasan. Matagal kong inasam na makaharap ka at maipataw sa'yo ang nararapat na parusa. Hindi ako kasing-bait ng ate kong si Hamara, sa katunayan, ako ang may pinakamasamang ugali sa aming dalawa." Napangisi si Harani. Ang ngising iyon ay nagbigay ng kilabot kay Esmeralda at Liyab. Bahagya silang napaatras at lumayo, nagkatinginan pa sila ay parehong napakibit ng balikat.
Hindi nila akalaing may nakakatakot na parte ang Tiya Harani nila. Kung titingnan mo kasi ito, mahinhin, at tila hindi makabasag pinggan ang mukha, kaya sino ang mag-aakalang may itinatago itong bangis?
"Hindi ka ba nagtataka kung bakit sa akin ibinigay ng mga ninuno ang kaalamang ito? Dahil ako lang sa aming dalawang magkapatid ang may kakayahang kontrolin ang kapangyarihan na nanggaling sa kaliwa. Hindi kaya ni ate dahil puro ang pagkatao niya, isa na sana siyang mataas na babaylan ngayon kung hindi lang dahil sa kasakiman mo. Kaya tanggapin mo ang parusang ito," wika ni Harani, muli siyang nagpakawala ng puwersa gamit ang mga katagang lumalabas sa kaniyang bibig. Napasubasob naman sa lupa ang hanagob, buong puwersa niya itong nilalabanan ngunit tila may mga hindi nakikita ang pumipigil sa kaniya.
"Napakalakas niyang buyagan, ang mga aninong iyan na pumipigil sa haring hanagob ay hindi basta-basta." komento ni Uran, humihingal na inilapag ng kuraret ang malaking sandata niya sa lupa at naglikha iyon ng malaking uka roon.
"Nakikita mo?" gulat na tanong ni Esmeralda.
"Nakikita ko rin Esme, mukhang ang mga nilalang na ito ay nanggaling pa sa kailaliman ng lupa, mas masahol pa sila sa mga kilala na nating dem*nyo. At mukhang hindi rin sila basta-basta nakikita ng kahit sino lang." wika naman ni Liyab.
"Wala silang wangis, ang totoo niyan, anino lamang ang nakikita namin. Hindi maipagkakailang, napakalakas ng sabulag ng mga nilalang na ito, maging ako ay kinikilabutan sa presensya nila," umiiling-iling na wika ni Uran.
"Bakit ka natatakot Uran, hindi naman sila nakakatakot." Tanong ni Maliya. Sabay-sabay silang napalingon sa tinuran ng bata at nakita nila itong titig na titig sa kinaroroonan ng hanagob.
"Maliya, nakikita mo sila?" tanong ni Dodong.
Ngumiti si Maliya at tumango. "Oo, nakakatuwa nga sila eh, tinutulungan nila tayo, para silang mga diwata. Ang gaganda kaya nila, bakit kayo natatakot?" Inosenteng tanong ni Maliya at nagkatinginan sila. Sandali muna nilang ipinagsawalang bahala ang tinuran ng bata at itinuon ang pansin sa mga aswang na nag-aantay lang din ng pagkakataong salakayin sila.
Tumigil rin kasi ang mga ito sa pag-atake nang makitang dehado ang kanilang hari. MAy ibang nagsusubok na tulungan ang hanagob ngunit walang magawa ang mga ito dahil may kung anong harang ang naghihiwalay sa kanila.
"Bitawan niyo ako, umalis kayo riyan, bitaw na!" sigaw ng hanagob habang sinusubukang iwaksi ang mga aninong nakadagan sa kaniya. Kahit anong gawin niyang pagpumiglas ay wala siyang nagagawa dahil sa bawat paglaban niya ay lalo niyang nararamdaman ang paghigpit ng paggapos ng mga anino sa kaniya.
"Ahhhh, alisin mo ang mga ito sa akin," sigaw ng hanagob. Napangisi naman si Harani at malakas na ibinagsak sa lupa ang dulo ng kaniyang tungkod.
"Hindi lang ako ang may karapatan sa pagpaparusa sa iyo. Nariyan pa ang mga pamangkin ko para tapusin ang kaawa-awa mong buhay," patuyang wika ni Harani, sa pagkakataong iyon, nilingon niya sina Esmeralda at Liyab.
"Kayo na ang maghatol sa haring aswang na ito, ipaghiganti niyo ang walang awang pagkitil niya sa buhay ng inyong mga magulang. Hanapin niyo ang poot sa inyong mga puso at ibigay ito lahat sa kaniya. Nang sa gayo'y makalaya na kayo sa pasaning iniwan sa inyo ng inyong mga tadhana. Liyab, Esmeralda, kunin niyo ang inyong mga sandata at ibigay sa nilalang na ito ang nararapat na parusa!" mahinahong utos ni Harani. Tila naging sunud-sunuran naman sila sa bawat katagang binanggit nito. Hindi alam ni Esmeralda pero tila may malamig na bagay ang yumakap sa kaniya at inuutusan siyang kunin ang kaninang nabitawan niyang itak.
Nang lingunin naman niya ang kapatid ay nakita niya itong dinampot na sa lupa ang espada. Sa pagkakataong iyon ay matalim na ang mga mata nitong nakatingin sa hanagob. Napalis ang maamo nitong mukha at napalitan ng bagsik, dahan-dahan na rin itong humahakbang papalapit sa kanilang tiyahin. Naramdaman na lamang ni Esmeralda ang paghakbang ng kaniyang mga paa, at habang nakatitig sa hanagob, doon niya nakita mula sa kaniyang balintataw ang alaala ng kaniyang mga magulang na walang awang binawian ng buhay.
Napaluha si Esmeralda nang malinaw niyang narinig ang pagmamakaawa ng kaniyang ina na lubayan ang buhay nila ni Liyab, nakita niya kung paano siya iniwan ng nanay niya sa kagubatan bago pa man siya mahuli ng hanagob. Nakita niya ang huling sandaling niyakap siya nito ng mahigpit at hinalikan sa pisngi habang walang patid na bumubuhos ang kaniyang mga luha. Narinig niya ang mga huling katagang sinabi nito bago siya tuluyang umalis sa pinag-iwanan sa kaniya. At nakita rin niya kung paano siya napulot ng asawa ni Ismael sa mismong lugar na iyon.
Nang bumalik siya sa kaniyang huwisyo, nakita niyang nasa harap na niya ang hanagob, hindi na rin niya makontrol ang kaniyang emosyon at naglikha iyon ng malakas na hangin sa kanilang paligid. Animo'y namumuo bilang isang puwersa ang galit na nararamdaman niya at sa bawat bugso ng galit na iyon ay siya namang paghigpit ng pagkakahawak niya sa kaniyang itak.
"Kasalanan ito lahat ni Ar'wan. Kasalanan niya dahil inagaw niya ang atensyon ni Hamara!" Nahihirapang wika ng Hanagob, tiim-bagang nuting iniaangat ang kaniyang ulo upang harapin ang nanlilisik at matatalim na tingin ng magkapatid.
Ngumisi siya. " Si Ar'wan ang dahilan kung bakit nangyayari ang lahat ng ito. Siya ang dahilan ng poot na namamahay sa puso ko. At kayong dalawa, na nanggaling sa kaniya ang magiging kabayaran. Dahil sa ama niyo, pinatay ko ang babaeng pinakamamahal ko!" Sigaw nito, walang emosyong napatingin si Liyab at Esmeralda sa kaniya.
"Kahit ano pa ang dahilan mo, hindi katanggap-tanggap ang mga kasalanang ipinunla mo sa mundo. Kaguluhang, sumira sa buhay ng mga tao." Saad ni Liyab.
"Tama na ang satsat, kahit ano pa ang dahilan mo, wala kang karapatang kunin sa amin ang aming mga magulang. Ang kasakiman mo ang nagdulot ng lahat ng ito." Giit ni Esmeralda. Kitang-kita kasi niya ang nakaraang buhay nila. Dahil sa kakayahan ng mga babaylang mabalikan ang nakaraan ay nagagawa niyang silipin ang mga nangyari aa nakalipas na panahon kahit magtama lamang ang kanilang mga mata.
"Walang silbi ang ginagawa mong pagtanaw sa kaniya, ikaw ang unang nanghusga, hindi ka lumapit, hindi ka nakilala ni ina. Si ama ang unang naglakas ng loob na lapitan siya at magpakilala. Wala ka sa larawan, kaya wala kang karapatang sabihan ang aming ama na mang-aagaw!" Paglilinaw ni Esmeralda.
Mabilis niyang initak ang braso ng hanagob at naputol iyon. Malakas na pag-atungal ang pinakawalan nito dahilan para mapaluhod ang mga alipores nito habang ang iba ay nagsipulasan na para makalayo sa lugar na iyon. Ang ibang nanatili ay mabilis nang tinapos ng kuraret at ng grupo ni Hagnaya.
Puspusan ang ginagawang paghabol ng ibang mga engkanto sa mga tunakas na alagad ng hanagob. Nang tumahimik na ang paligid at tanging ang pagtangis na lamang ng hanagob ang kanilang naririnig, pinalibutan naman nila ang kinaroroonan nito, lahat nang maaaring takbuhan ng hangob ay sinara nila.
"Nakakapagod kang kalaban, alam mo ba iyon? Buong buhay ko, inilaan ko sa pagkitil ng buhay ng mga alagad mo, lahat ng iyon para lang sa gabing ito, para maipaghiganti ko amg mga magulang na hindi ko man lang nasilayan." Wika ni Esmeralda. Naglandas ang masagang luha sa kaniyang mga mata. Gigil niyang inapakan ang naputol nitong braso at itinarak ang dulo ng kaniyang itak sa dibdib ng hanagob.
Sinegundahan naman ito ng isa pang saksak ni Liyab sa pagkakataong ito, hindi na nagsalita pa ang binata. Ibinuhos nito ang kaniyang buong lakas at emosyon sa panghuling atakeng iyon. Ang tunog ng sandata niyang pumunit sa kalamnan ng hanagob ay tila naging daan upang mawala ang lahat mg poot sa kaniyang kalooban. Napapikit sila pareho ni Esmeralda at doon lamang tila nabunutan sila ng malaking tinik sa kanilang mga puso.
Umagos ang luha at ang kaninang poot ay napalitan ng pagluluksa. Tumahimik na ang buong paligid, nanumbalik na rin ang mga natural na tunog ng mga insektong panggabi hudyat na wala nang panganib sa paligid.
Nakatingin lang silang lahat sa mga naaabong katawan ng hanagob kasama ng mga alagad nito. Sino ang mag-aakalang aabot sa ganoon ang sitwasyon nila. Nang tuluyan namang naabo ang mga katawan ay pinulot naman ng mga engkanto ang mga mutyang natira sa mga ito. Isang baul ang kanilang pinagsidlan noon at si Liyab naman ang kumuha ng mutya ng haring hanagob.